Halimbawa ng pangungusap:
Hindi mabilang na tao ang umaguyod sa plaza kaninang umaga para saksihan ang kakaibang palabas.
Isa sa mga matimyas na hangarin ng Pamahalaang Lokal ng Tayabas ang pagsasakatuparan ng pangarap na maging “Rest and Recreation Destination” ang bayan na ito sa Lalawigan ng Quezon. Sinimulan ang pagsasakatuparan ng pangarap na ito ng ilunsad ang iba’t ibang festival sa Tayabas kagaya ng Aguyod Festival noong 2008 ng bumalik sa pamumuno ang kasalukuyang punong lungsod. Nasundan pa ito ng iba pang mga festival na ginaganap sa nalolooban ng taon.
Ang pagdiriwang ng Aguyod Festival ay hindi lamang naglalayong linangin ang kakayahan ng mga Tayabasin sa larangang ng sining kagaya ng pagsayaw, pag-arte at pagrampa sa entablado, manapa’y nilalayon din ng pagdiriwang na maipamulat sa mga Tayabasin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at sa kanilang kapaligiran sa pamamagitan ng wastong “waste manangement”at mabigyan ng pansin ang pagpapaunlad ng lokal na turismo kaalinsabay ng pagpapasigla ng negosyo ng mga lokal na mamumuhunan.
Ang pagsasagawa ng Aguyod Festival ay isang siguradong paraan upang mapagtagumpayan ang pagpapasigla ng industriya ng turismo na siyang maghuhudyat sa katuparan ng hangaring maging “R&R Destination in Quezon” ang Lungsod ng Tayabas; patuloy na maka-enganyo ng mga lokal at dayuhang turista na may kakayahang gumastos ng salapi sa panahon ng kanilang pagbisita at pakikipagsaya sa pagdiriwang ng Aguyod Festival na siyang magpapalakas ng negosyo ng mga mamumuhunan sa nalolooban ng Tayabas; at maging paraan upang maibantog sa buong mundo ang kakanyahan ng Tayabas bilang isang makasaysayan at dakilang lugar na pinamamahayan ng mga mamamayang nagpapahalaga sa kultura, sining at kalikasan.
Mas mapasigla ang turismo ng Tayabas na siyang magpapalakas sa negosyo ng mga lokal na mamumuhunan sa pamamagitan ng pagtatanghal ng iba’t-ibang makasining at makakulturang kaganapan sa nalolooban ng panahon ng festival kagaya ng Aguyod Street Dance Showdown kung saan kalahok ang lahat ng mga grupong makasining, mga mag-aaral sa elementary at sekundarya, at mga NGO; Dalaginding ng Aguyod kung saan ang mga dalagitang Tayabasin na kalahok sa timpalak-kagandahan ay nakasuot ng mga traheng yari sa “recycled materials”; pagsasabuhay ng “Kaluluwang Tambing” na isang tradisyong kinalakhan ng mga Tayabasin tuwing panahon ng Undas; mga pampublikong konsyerto ng mga lokal at bantog na mang-aawit sa bansa; at peryang pangkalakalan ng mga lokal na manininda at manggagawa.
Sinisiguro na ang pagtatatanghal ng Aguyod Festival ay higit na kapaki-pakinabang sa mamamayang Tayabasin. Ang salaping gugugulin ay manggagaling sa lokal na pondo. Kung kaya nga taun-taon ay pinasisigla ang Tiangge sa Parke kung saan pangunahin ang mga Tayabasin ang nagtitinda. Ginagawa ang iba’t-ibang “shows” gaya ng mga konsyerto ng mga lokal at recording artists na buhat pa sa iba’t-ibang panig ng bansa partikular sa Kamaynilaan upang makahikayat pa nang mga dadayo buhat sa kanugnog bayan at syudad.
Isang magandang panahon din ang pag-uuwian ng mga Tayabasin sa araw ng Undas kung saan ang mga tao ay umaaguyod sa festival zone matapos dumalaw sa kanilang mga mahal sa buhay upang makisaya sa pagdiriwang ng Aguyod Festival. Ang dagsa ng mga taong ito ay isang magandang pagkakataon upang ang mga maninindahan ay kumita. Ang magagandang palabas lalo na ang konsyerto ng mga kilalang banda at mang-aawit ang lalo pang hihikayat sa mga tao na dumagsa sa parke para gumastos sa pagkain at inumin.